AKO BILANG ISKOLAR..
Isang napakaganda at kakaibang oportunidad ang pagiging isang iskolar, ngunit kaakibat nito ay ilang mga pagsasakripisyo gaya ng paggugol ng oras sa pag-aaral, pagiging puyat dahil sa mga bagay na dapat pang tapusin at ipasa sa takdang panahon at oras, pagiging balisa sapagkat 'di alam ang uunahing gawin dahil sa pagkakasabay-sabay nitong iatang ng mga istruktor.
Iskolar, isang uri ng mag-aaral na kung saan ay natututo ng iba't-ibang kaalaman sa mababang halaga o kung minsa's libre. Kung iyong napansin, pag-aaral ng libre, hindi maitatanggi na napakagandang oportunidad ito ngunit ang mga ganitong pagkakataon ay bibihira lamang kaya't dapat itong pahalagahang masikap kung minsa'y mapasakamay mo ang ganitong uri ng oportunidad. Ako'y isang iskolar ng La Verdad Christian College sa siyudad ng Kalookan. Masasabi kong masaya ang maging iskolar sapagkat libre ka na, natututo ka pa ng iba't-ibang kaalamang akademikal at espiritwal. Lahat ng sakripisyong nabanggit ay pawang naranasan ko na buhat ng matanggap ko ang oportunidad na makapag-aral ng libre sapagkat kaakibat ng sarap ay ang hirap ika nga.
Iba ang dating sa pakiramdam kapag ang hirap na iyon ay nalagpasan at malamang hindi iyon magagawa ng wala ang awa at tulong ng Dakilang Lumikha. Mas masaya ang buhay hayskul ayon sa ibang mag-aaral sa kolehiyo, maaaring ang dahilan nito ay ang kakaibang karanasan na naharap ng isang mag-aaral ngunit kung ako ang tatanungin, masasabi kong ngayon ay mas masaya ang buhay kolehiyo dahil kakaiba ang karanasang naidudulot ng pagiging iskolar.
No comments:
Post a Comment